Mga grupo ng jeepney drivers na biyaheng Malabon-Monumento ang umaasa ngayon sa nalilikom na limos araw-araw dahil sa patuloy na commun...
Mga grupo ng jeepney drivers na biyaheng Malabon-Monumento ang umaasa ngayon sa nalilikom na limos araw-araw dahil sa patuloy na community quarantine na ipinapatupad sa buong Metro Manila

Umabot na umano sa tatlong buwan na tigil ang pamamasada ng mahigit 20 jeepney drivers sa nasabing lugar. Upang makaraos sa pangangailan araw-araw, naisipan nilang humingi ng kaunting tulong sa pamamagitan ng pamamalimos.
Hawak ang kanya-kanyang karatula, inaabangan ng mga ito ang mga padaang sasakyan o mga tao para makahingi ng tulong pinansiyal.

Buong maghapon raw silang namamalimos pero hindi alintana ang sakit na nararamdaman sa mga paa at init ng araw kapalit ang kaunting halaga para masuportahan ang kani-kanilang pamilya.
Ayon kay Vincent Sanchez, kinatawan ng Malabon-Monumento jeepney drivers, may natanggap naman umano silang ayuda pero hindi raw ito sapat sa kanilang pangangailangan araw-araw. May sakit ang miyembro ng pamilya ng ilan sa kanila o hindi kaya ay may mga maliliit na anak pang kailangan ng gatas.

Samantala, ang naipong pera galing sa limos sa loob ng isang araw ay paghahatian ng mahigit 20 drivers. Pinapasalamatan naman ng mga ito ang mga nag-abot ng tulong.
“Kapag nakatanggap kayo, pasalamat kayo sa taas,” sabi pa ni Sanchez.