Isinusulong ngayon sa Kamara ang isang panukalang naglalayong mabigyan ng buwanang sahod sa mga housewife. Sa ilalim ng House Bill 8875, bib...
Isinusulong ngayon sa Kamara ang isang panukalang naglalayong mabigyan ng buwanang sahod sa mga housewife.
Sa ilalim ng House Bill 8875, bibigyan ng P2,000 suweldo ang mga misis na may di bababa sa isang anak at makokonsiderang kabilang sa pinakamahihirap sa buong bansa.
Pero ayon kay Atty. Claire Castro, may ilang mga dapat ikonsidera sa pagpasa ng nasabing panukala, gaya ng pagkukuhanan ng pondo na ilalaan dito.
Dagdag niya na dapat na lamang bigyan ng livelihood seminar o pangkabuhayan showcase ang mga housewife para matulungan silang maitaguyod ang kanilang sarili.
"Nakikita ko dito na nato-tolerate natin na 'Pag may anak ka bibgyan ng P2,000 a month.' Saan ba ito kukuhanin? Lahat ng mga kumikita may buwis tas ipapamigay natin sa pagtulong... parang hindi yata pantay," ani Castro sa "Usapang de Campanilla" ng DZMM.
Pangamba rin ni Castro na maaaring magdulot ng pagdami ng bilang ng unwanted pregnancies ang panukala.
Ayon sa panukala, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tutukoy kung sino ang mga karapat-dapat na mabigyan ng ayuda.
Kasalukuyang nakabinbin sa House Committee on Women and Gender Equality ang panukala.